puro akala
akala ko, tanggap ko nang malapit na akong umalis sa lugar na ito at tuluyang malalayo sa lahat ng naririto sa aking paligid. akala ko, buong-loob ko nang haharapin ang panibago kong buhay sa ibang lupalop na kung tawagin ng iba ay ang kanilang minimithing paraiso. at akala ko, walang pag-aalinlangan ko nang susubukang buuin ang aking mga pangarap sa isang lugar na kahit isang beses ay di ko pa napupuntahan.
hindi pala.
kanina, sa aking paglilinis ng kuwarto, isa-isa ko nang niligpit ang aking mga gamit. inayos at itinabi ko na ang mga bagay na kakailanganin ko pa, at itinapon ko naman ang mga bagay na "wala nang pakinabang" sa aking magiging buhay sa ilang linggong lilipas. napakahirap magtapon... lahat halos ng mga "basura" ko ay sapilitan ko lamang ipinasok sa basurahan, para man lang mabawasan ang mga ito.
inuna kong ligpitin ang aking drafting table. sa pagtanggal ko ng bawat turnilyo nito, unit-unting nagbalik sa akin ang mga alaala ng nakaraan: mga panahong nakaupo ako sa harap ng mesang ito, ilalapat ang papel at lalagyan ng tape, bubuksan ang ilaw na nasa ilalim ang switch, at saka namang sisimulan ang kalbaryo ng pagguhit hanggang sa madaling araw. naalala ko rin ang mga panahong napapatunganga ako sa harapan nito dahil di ko na alam ang aking gagawin, o kaya nama'y talagang inaantok na ako. sa mesa ring ito ko nararamdaman ang lubos na galak tuwing natatapos ko na ang aking mga gawa, tatanggalin na ang mga tape, at irorolyo sa tube ang aking mga papel.
sinunod ko naman ang aking set ng techpen. binuksan ko sila isa-isa at nilinis mabuti, pinilit na mawala ang kahit anong bahid ng tintang nandoon. kaya tuloy, inabot ako ng halos isang oras sa paglilinis ng mga ito. at kadikit ng paggawa nito, siyempre, dumarami lalo ang naiisip ko. marami na rin akong naging alaala kasama ng mga ito. kasama sila sa mga naging karamay ko sa aking pagpupuyat noon, kahit na sila pa man din ang dahilan kung bakit sumasakit ang aking mga kamay kakagamit sa kanila.
dalawa lang yan sa mga nakapagpaalala sa akin ng naging buhay ko sa arki. dalawa't kalahating taon ko ring pinagdaanan ang buhay na iyon. at sana, makabalik ako agad dito sa pilipinas upang ipagpatuloy ang aking nasimulan, at tapusin ito ng maayos at matagumpay.
at hindi lang arki ang aking napag-nilay-nilayan... inayos ko rin ang pagkarami-rami naming litrato nung nasa hayskul pa ako. sa bawat litratong hinahawakan ko, naalala ko ang mga naging kaibigan, kaaway, kabarkada, at kung sinu-sino pang naging bahagi ng buhay ko nun. tatlong taon na rin ang nakalilipas nang nagkahiwa-hiwalay kami, at hanggang ngayo'y marami pa rin sa kanila ang di ko pa ulit nakikita. nakalulungkot ding isipin, ang mga naging kaibigan ko noo'y di ko na halos nakakausap man lang ngayon.
akala ko tanggap ko na ang mga magaganap. pero hindi. natatakot na ako ulit. sobrang kaba at pagtanggi ang aking nararamdaman. nagbabalik ang aking naramdaman nung araw na nalaman ko ang pag-alis namin. parang di ko maisip na sa estados unidos na ako maninirahan at mamumuhay. nakalulungkot isiping malalayo ako sa bansang aking pinanggalingan. parang gusto kong umiyak pero pinipigilan ko rin ang aking sarili. pasalamat na lang ako't nakukuha ko namang tumawa ngayon kahit papaano. mahirap na. baka mawala na naman ako sa sarili ko pag masyado ko na namang inisip yun. at buti, madali kong nalalapitan ang aking mga kaibigan sa ganitong pagkakataon. kilala niyo na kung sino kayo.
at yun, dahil sa kapaguran at bigat ng aking mga naisip, tinigil ko muna ang aking pag-aayos ng kuwarto. sa susunod na ulit. hahayaan ko munang nakakalat sa sahig ang napakarami kong gamit. pagmamasdan ko muna silang lahat habang may panahon pa. ngunit sigurado akong maya-maya ri'y mapipilitan na naman akong magligpit ng mga ito't magtapon ng aking mga "basura" sa basurahan.






0 Comments:
Post a Comment
<< Home